Ang Mormonismo ba ay Kristiyano? Maaaring magmukhang palaisipan
ang tanong na ito sa maraming mga Mormon at gayundin sa ilang
mga Kristiyano. Bibigyang pansin ng mga Mormon na isinasama nila
ang Biblia na kabilang sa apat na mga aklat na kinikilala nila
bilang Kasulatan. At gayon din ang paniniwala kay Jesus ay
sentro sa kanilang pananampalataya, gaya ng mapapansin sa
kanilang opisyal na pangalan, The Church of Jesus Christ of
Latter-day Saints (Ang Simbahan ni Jesucristo ng Mga Banal sa
Huling-araw). Bukod dito, maraming Kristiyano ang nakarinig na
sa pag-awit ng Mormon Tabernacle Choir ng mga himnong Kristiyano.
Marami rin ang humahanga sa pagnanais ng mga Mormon na
mapanatili ang mataas na pamantayan ng mabuting asal at matatag
na pamilya. Ngunit nangangahulugan ba ito na ang Mormon ay
Kristiyano?
Upang masagot ang katanungang ito ng walang kinikilingan at
wasto, kailangan nating ipaghambing na maingat ang mga saligang
turo ng relihiyon ng Mormon sa mga saligang doktrina ng
makasaysayang Kristiyanismo na batay sa Biblia. Para sa
kakatawan sa paniniwala ng Mormon, umasa kami sa ilan na mga
kilalang pangdoktrinang aklat ng mga Mormon. Ang unang tatlong
aklat na inilathala ng Iglesia ng Mormon: Mga Alituntunin ng
Ebanghelyo, 1990, Achieving a Celestial Marriage, 1976 (Pagtatamo
ng Makalangit na Kasal), at A Study of the Articles of Faith,
1979 (Isang Pag-aaral sa mga Artikulo ng Pananampaltaya) na
sinulat ng apostol ng Mormon na si James E. Talmage. Ang iba
pang mga aklat ay ang mga sumusunod: Doctrines of Salvation, 3
volumes (Mga Doktrina ng Kaligtasan) na sinulat ng ikasampung
presidente ng Mormon at propeta na si Joseph Fielding Smith,
Mormon Doctrine, 2nd edition, 1979 (Doktrina ng Mormon) na
sinulat ng apostol ng Mormon na si Bruce R. McConkie, at
Teachings of the Prophet Joseph Smith (Mga Katuruan ng Propeta
Joseph Smith).
1. MAYROON PA BANG IBANG MGA DIYOS BUKOD SA TUNAY NA DIYOS?
Itinuturo ng Biblia at pinaniniwalaan ng mga naunang
kinikilalang Kristiyano na mayroon lamang iisang Tunay at Buhay
na Diyos. Bukod sa Kaniya ay wala nang iba pang Diyos (Deuteronomio
6:4; Isaias 43:10,11; 44:6,8; 45:21,22; 46:9; Marcos 12:29-34).
Ngunit, sa kabila nito, ang Iglesia ng Mormon ay nagtuturo na
marami ang Diyos (Ang Aklat ni Abraham 4:3ff), at tayong mga tao
ay maaaring maging diyos o diyosa sa kahariang selestiyal (Ang
Doktrina at mga Tipan, 132:19-20; Mga Alituntunin ng Ebanghelyo,
p. 269; Achieving a Celestial Marriage, p.130). Itinuturo rin
nito na ang magtatamo ng pagka-diyos ay magkakaroon ng mga
espiritung anak na sasamba at mananalangin sa kanila na kagaya
ng pagsamba at pananalangin natin sa Diyos Ama. Itinuturo rin
nito na ang magtatamo ng pagka-diyos ay magkakaroon ng mga
espiritung anak na sasamba at mananalangin sa kanila na kagaya
ng pagsamba at pananalangin natin sa Diyos Ama. (Mga Alituntunin
ng Ebanghelyo, p. 328).
2. ANG DIYOS BA AY DATING TAO NA GAYA NATIN?
Itinuturo ng Biblia at pinaniniwalaan ng mga naunang Kristiyano
na ang Diyos ay Espiritu (Juan 4:24; I Timoteo 6:15,16) Hindi siya tao (Bilang 23:19; Hosea 11:9; Roma 1:22,23).
Siya ay
laging (walang hanggan) nabubuhay bilang Diyos - makapangyarihan
sa lahat, nakaaalam ng lahat, at nasa lahat ng dako (Awit 90:2;
139:7-10; Isaias 40:28).
Ngunit, sa kabila nito, ang Iglesia ng Mormon ay nagtuturo na
ang Diyos Ama ay dating tao na gaya natin na lumago upang maging
Diyos at mayroong katawang laman at buto (Ang Doktrina at mga
Tipan 130:22: "Ang Diyos mismo ay dating katulad natin ngayon,
at ngayon ay isang dinakilang tao at nakaupo sa trono doon sa
kalangitan!" Mula sa Teachings of the Prophet Joseph Smith, pp.
345-347; Mga Alituntunin ng Ebanghelyo, p. 10; Articles of
Faith, p. 430 at Mormon Doctrine, p. 321). Tunay ngang itinuturo
ng Iglesia ng Mormon na ang Diyos mismo ay mayroong ama, lolo at
mga ninuno (Teachings of the Prophet Joseph Smith, p. 373;
Mormon Doctrine p. 577).
3. SI JESUS BA AT SATANAS AY MAGKAPATID SA ESPIRITU?
Itinuturo ng Biblia at pinaniniwalaan ng mga naunang
kinikilalang Kristiyano, na si Jesus ay bugtong na Anak ng Diyos,
na siya ay laging umiiral na Diyos, walang hanggan at kapantay
ng Ama (Juan 1:1,14; 10:30; 14:9; Colosas 2:9). Bagama’t
kailanman ay hindi nabawasan ang pagka-Diyos ni Jesus, sa
takdang panahon ay isinaisang tabi Niya ang kaluwalhatiang
taglay Niya kasama ng Ama (Juan 17:4,5; Filipos 2:6-11) at
nagkatawang-tao para sa ating kaligtasan. Ang Kanyang
pagkakatawang-tao ay naganap nang Siya ay kahimahimalang
ipinagdalang-tao sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at
ipinanganak ng isang birhen (Mateo 1:18-23; Lucas 1:34,35).
Ngunit, sa kabila nito, ang Iglesia ng Mormon ay nagtuturo na si
Jesucristo ang matanda nating kapatid na lumago sa pagka-Diyos.
Una, siya’y nilalang bilang espiritung anak ng makalangit na Ama
at nang isang makalangit na ina. Pagkatapos, siya ay ipinanganak
sa laman sa pamamagitan ng pagsisiping ng makalangit na Ama at
ng Birheng Maria (Achieving a Celestial Marriage, p.129;
Mormon
Doctrine, pp. 546-547; 742).Pinagtitibay ng doktrina ng Mormon
na si Jesus at si Satanas ay magkapatid (Mga Alituntunin ng
Ebanghelyo, pp. 19-20; Mormon Doctrine, p. 192).
4. ANG DIYOS BA AY TRINIDAD?
Itinuturo ng Biblia at pinaniniwalaan ng mga naunang
kinikilalang Kristiyano na ang Ama, Anak, at Banal na Espiritu
ay hindi mga magkakahiwalay na Diyos, kundi sila ay magkakaibang
Persona na bumubuo sa iisang Diyos. Sa boong Bagong Tipan ang
Anak at ang Banal na Espiritu, gayun din ang Ama ay hiwalay na
ipinakilala at kumikilos bilang Diyos (Ang Anak: Marcos 2:5-12;
Juan 20:28; Filipos 2:10,11; Ang Banal na Espiritu: Gawa 5:3,4;
2 Corinto 3:17,18; 13:14) Gayon man, itinuturo ng Biblia na ang
tatlong ito ay iisang Diyos lamang (tingnan ang unang puntos).
Ngunit, sa kabila nito, ang Iglesia ng Mormon ay nagtuturo na
ang Ama, Anak at Banal na Espiritu ay tatlong magkakahiwalay na
Diyos (Teaching of the Prophet Joseph Smith, p. 370;
Mormon
Doctrine, pp. 576-577) Itinuturo rin nila na ang Anak at ang
Banal na Espiritu ay talagang anak ng makalangit na Ama at isang
makalangit na asawa. (Joseph Fielding McConkie, Encyclopedia of
Mormonism, vol. 2, p. 649).
5. ANG KASALANAN BA NI ADAN AT NI EBA AY ISANG MALAKING KASAMAAN
O DAKILANG PAGPAPALA?
Itinuturo ng Biblia at pinaniniwalaan ng mga naunang
kinikilalang Kristiyano na ang pagsuway ng una nating mga
magulang na si Adan at Eba ay isang malaking kasalanan. Dahilan
sa kanilang pagkahulog, ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan
na nagdala sa lahat ng tao sa ilalim ng kahatulan at kamatayan. Kaya, tayo ay ipinanganak na likas na makasalanan at hahatulan
dahil sa mga kasalanan na ginawa ng bawat isa (Ezekiel 18:1-20;
Roma 5:12-21).
Ngunit, sa kabila nito, ang Iglesia ng Mormon ay nagtuturo na
ang kasalanan ni Adan ay isang "kinakailangang hakbang sa plano
ng buhay at isang malaking pagpapala sa ating lahat." (Mga
Alituntunin ng Ebanghelyo, p. 37; Ang Aklat ni Mormon - 2 Nephi
2:25; Doctrines of Salvation, vol. 1, pp. 114,115).
6. MAAARI BA NATING GAWING KARAPAT-DAPAT ANG ATING SARILI SA
HARAPAN NG DIYOS?
Itinuturo ng Biblia at pinaniniwalaan ng mga naunang
kinikilalang Kristiyano na kung hiwalay sa pagliligtas na ginawa
ni Jesucristo sa krus, tayo sa espirituwal ay "patay sa mga
pagsalangsang at kasalanan" (Efeso 2:1,5) at wala tayong
kakayanan na iligtas ang ating sarili. Sa Kanyang awa,
pinatatawad ng Diyos ang ating mga kasalanan. At tayo’y ginagawa
Niyang karapat-dapat sa pamamagitan ng Kanyang biyaya lamang,
hiwalay mula sa kabutihan at gawa ng tao (Efeso 2:8,9; Tito
3:5-6). Ang ating bahagi lamang ay manangan kay Cristo sa
pamamagitan ng boong pusong pananampalataya. (Gayon man, totoo
rin na kung walang katunayan ng pagbabagong buhay, ang pahayag
ng pananampalataya ng isang tao ay kaduda-duda. Ang kaligtasan
sa biyaya lamang sa pamamamgitan ng pananamplataya ay hindi
nangangahulugang maaari na tayong mamuhay sa ating sariling
kagustuhan o layaw — Roma 6:1-4).
Ngunit, sa kabila nito, ang Iglesia ng Mormon ay nagtuturo na
ang buhay na walang hanggan sa harapan ng Diyos (na kanilang
tinatawag na "kadakilaan sa makalangit na kaharian") ay matatamo
sa pamamagitan ng pagsunod sa lahat ng mga utos ng Iglesia ng
Mormon, pati na ang natatanging mga rituwal sa templo ng Mormon. Itinuturo rin nila na ang mga gawa ay
kailangan para sa
kaligtasan (pagpasok sa "makalangit na kaharian") - Mga
Alituntunin ng Ebanghelyo, pp. 329-330; Ang Mahalagang Perlas -
3rd Article of Faith; Mormon Doctrine, pp. 339, 671; Ang Aklat
ni Mormon - 2 Nephi 25:23).
7. ANG PAGTUBOS BA NI CRISTO SA PAMAMAGITAN NG KANYANG KAMATAYAN
AY MAY PAKINABANG SA MGA TUMATANGGI SA KANYA?
Itinuturo ng Biblia at pinaniniwalaan ng mga naunang
kinikilalang Kristiyano na ang layunin ng pagtubos na ginawa ni
Cristo sa krus ay upang bigyan ng ganap na kasagutan ang
suliranin sa kasalanan ng sangkatauhan. Gayon man, ang mga
tumatanggi sa biyaya ng Diyos sa buhay na ito ay walang bahagi
sa kaligtasang ito kundi napapasa-ilalim sa walang hanggang
kahatulan ng Diyos (Juan 3:36; Hebreo 9:27; I Juan 5:11,12).
Ngunit, sa kabila nito, ang Iglesia ng Mormon ay nagtuturo na
ang layunin ng katubusan ay upang matamo ng lahat ng tao ang
pagkabuhay-muli at pagkawalang kamatayan, tanggapin man nila o
hindi si Cristo sa pananampalataya. Ang katubusan ni Cristo ay
isa lamang bahagi na batayan ng pagiging karapat-dapat at
pagtatamo ng buhay na walang hanggan. Kailangan din ang pagsunod
sa lahat ng mga utos ng Iglesia ng Mormon at pati na ang paggawa
ng mga piling rituwal sa loob ng kanilang templo (Mga
Alituntunin ng Ebanghelyo, pp. 78-79; Mormon Doctrine, p. 669).
8. ANG BIBLIA BA AY BUKOD-TANGI AT GANAP NA SALITA NG DIYOS?
Itinuturo ng Biblia at pinaniniwalaan ng mga naunang
kinikilalang Kristiyano na ang Biblia ay bukod-tangi, ganap at
walang pagkakamaling Salita ng Diyos (2 Timoteo 3:16; Hebreo
1:1,2; 2 Pedro 1:21). Ito ay namamalagi magpakailan man (1 Pedro
1:23-25). Ang gawa ng Diyos sa pangangalaga ng sipi ng Biblia ay
kamangha-manghang pinatunayan sa pagkatuklas ng Dead Sea
Scrolls.
Ngunit, sa kabila nito, ang Iglesia ng Mormon ay nagtuturo na
ang Biblia ay nabahiran ng pagkakamali at nagkukulang ng
maraming "maliliwanag at mahahalagang bahagi" at hindi
naglalaman ng buong Ebanghelyo (Ang Aklat ni Mormon - 1 Nephi
13:26-29; Teachings of the Prophet Joseph Smith, pp. 9-10).
9. ANG UNA BANG IGLESIA AY LUBOS NA TUMALIKOD SA PANANAMPALATAY?
Itinuturo ng Biblia at pinaniniwalaan ng mga naunang
kinikilalang Kristiyano na ang tunay na Iglesia ay itinatag ni
Jesus at hindi maaari at kailan man ay hindi nawala sa lupa
(Mateo 16:18; Juan 15:16;17:11). Kinikilala ng mga Kristiyano na
may pagkakataong nagkaroon ng mga panahon ng katiwalian at
pagtalikod sa loob ng Iglesia, ngunit naniniwala rin sila na
laging mayroong nananatili na nananalig sa pangunahing aral ng
Biblia.
Ngunit, sa kabila nito, ang Iglesia ng Mormon ay nagtuturo na
nagkaroon ng ganap at lubusang pagtalikod ang Iglesia na
itinatag ni Jesucristo. Itong katayuan ng pagtalikod, ayon sa
kanila ay patuloy na nananatili maliban sa kanila na dinatnan ng
kaalaman ng napanumbalik na ebanghelyo ng Iglesia ng Mormon (Mga
Alituntunin ng Ebanghelyo, pp. 114-115; Mormon Doctrine, p. 44).
PANGWAKAS
Ang mga nabanggit sa itaas na naka-italiks ang bumubuo ng tunay
na ebanghelyo na pinaniniwalaan ng lahat ng mga naunang
kinikilalang Kristiyano, anuman ang kanilang kinikilingang
denominasyon. Sa kabilang dako naman, may mga ibang bagong
relihiyon tulad ng Mormonismo na nag-aangking Kristiyano,
ngunit, tinatanggap ang ibang kasulatan na hiwalay sa Biblia.
Nagtuturo sila ng doktrina na salungat sa Biblia at nananalig sa
mga paniniwalang ibang-iba sa mga turo ni Jesus at ng Kanyang
mga apostol.
Kagaya ng mga naunang kinikilalang Kristiyano ang mga Mormon ay
nagsasagawa rin ng ilang mahahalagang panuntunang moral na ayon
sa Biblia. Subalit, ang mga nabanggit sa itaas ay mga halimbawa
ng maraming mga pangunahin at hindi mapagkakasundong pagkakaiba
ng Mormonismo sa makasaysayan at ayon sa Biblia na
Kristiyanismo. Bagama’t ang mga pagkakaibang ito ay hindi
pumipigil sa atin na igalang at maging mabait sa mga Mormon,
gayon man ay hindi natin sila maaaring ituring na kapatid kay
Cristo, Ang Biblia ay hayagang nagbibigay babala sa atin sa mga
bulaang propeta na nagtuturo ng "ibang ebanghelyo" na nakabatay
sa "ibang Jesus" at pinapatotohanan ng "ibang espiritu" (2
Corinto 11:4, 13-15; Galacia 1:6-9). Batay sa patunay na
inilahad sa itaas, tayo ay naniniwala na ang Mormonismo ay
nagpapahayag ng huwad na ebanghelyo.
Nabanggit na, na kung ang isang tao ay nag-aangking Mormon
ngunit tumatanggi sa pangunahing doktrina ng Mormonismo - gaya
ng: na si Joseph Smith ay isang propeta ng Diyos, na ang Aklat
ng Mormon ay totoo at kinasihan ng Diyos, na ang Diyos ay dating
isang tao na sumulong sa pagka-Diyos sa pamamagitan ng pagsunod
sa mga batas at ordinansa ng Iglesia ng Mormon at ang Iglesia ng
Mormon ay itinatag ng Diyos - siya ay tatanggihan ng Iglesia ng
Mormon bilang isang Banal sa Huling-araw. Hindi matatawag
ninuman ang kanyang sarili na isang Mormon kung hindi siya
naniniwala sa mga saligang doktrina na itinuturo ng Iglesia ng
Mormon. Sa gayunding paraan, kung ang Iglesia ng Mormon ay hindi
nanghahawakan sa pangunahing katotohanang ayon sa Biblia na
pinaniniwalaan ng nakararaming pamayanang Kristiyano, paanong
maaasahang tanggapin ng mga Kristiyano ang Mormonismo bilang
tunay na Kristiyano?
Kung ang Iglesia ng Mormon ay naniniwala na sila lamang ang
tunay na Iglesiang Kristiyano, hindi nila dapat ipahayag sa
publiko na sila ay bahagi ng Kristiyanong pamayanan. Sa halip,
dapat nilang ipahayag sa mundo na yaong nag-aangkin na mga unang
kinikilalang Kristiyano ay hindi talagang tunay na Kristiyano.
At dapat din nilang ipahayag na ang Iglesia ng Mormon lamang ang
tunay na Kristiyano. Sa katunayan, iyan nga ang kanilang
itinuturo ng palihim, ngunit hindi sa hayagan.


